Ayuda, fuel subsidy para sa mga panadero inihirit

Ayuda, fuel subsidy para sa mga panadero inihirit

July 11, 2022 @ 3:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinakailangang magbigay ng pamahalaan ng tulong at fuel subsidy sa mga panadero sa Pilipinas, ayon sa flour millers group nitong Lunes, sa gitna ng pagtaas sa presyo ng wheat at ibang raw materials sa buong mundo.

Sinabi ni Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL) executive director Ric Pinca na iniinda ng mga panadero ang pagtaas ng presyo ng wheat at langis.

“Unang-una, hinihiling ko lang sa gobyerno baka maaaring bigyan sila ng unang-una subsidy sa fuel, dahil gumagamit sila ng (liquefied petroleum gas), eh napakataas ng ano, LPG ngayon, mahigit P1000 bawat isang 11kg tank. Eh yan ang ginagamit nilang pagluto, sa kanilang mga oven,” apela ni Pinca.

“Kasama na rin dyan yung baka pwede nating bawasan ang tariff sa bakery ingredients katulad ng yeast, ‘no? Bumibili rin tayo ng mga asukal, confectionary sugar na ginagamit sa tinapay, asin, baking powder.”

“These are things that are not produced locally, kahit babaan natin ang tariff niyan, hindi naman makakaapekto yan sa mga industriya na meron tayo,” dagdag niya.

Tiniyak naman ni Pinca csa publiko na sapat ang suplay ng harina sa Pilipinas.

“Sapat ang ating suplay, hindi tayo magkukulang. Ang nangyayari lamang ay mataas ang presyo ng harina at dahil dito ay tataas ang presyo ng pandesal dahil sa demand sa world market para sa trigo.”

“Alam naman natin na dahil sa giyera sa Russia at Ukraine, maraming mga trigo roon ano, ang hindi makalabas at maibenta. Alam natin na ang Ukraine at ang Russia, they hold 30-40 percent of the world’s exportable trigo or wheat. So yung portion na yun, 30-40 percent sa world market ay nawala,” paliwanag niya. RNT/SA