AYUDA IBUBUHOS SA LABIS NA NASALANTA NI ODETTE

AYUDA IBUBUHOS SA LABIS NA NASALANTA NI ODETTE

December 29, 2021 @ 4:00 PM 8 months ago


NAPAKABIGAT talaga ang kalamidad na dumapo sa Mindanao, Visayas at ilang bahagi ng Luzon na dinaanan ng bagyong Odette.

Nasa 388 na ang kumpirmadong patay habang nasa 60 pa rin ang missing at nasa 500,000 ang nawasakan ng bahay o bahagyang nasiraan nito.

Nasa 300, 000 ang mga nasa evacuation center habang nasa 200,000 ang nakikipanirahan sa iba.

Tinatayang umabot sa apat milyong mamamayan ang naapektuhan.

Nasa P20 bilyon ang tinatayang kabuuang halaga ng nasirang mga tahanan, imprastraktura at agrikultura.

Pati ang mahigit 4,000 bakuna laban sa coronavirus disease-19 ay nasira at 30 ospital at klinika lang mula sa 141 ang nag-oopereyt.

Sa Pebrero 2022 pa makukumpleto ang pagbabalik ng kuryente sa maraming lugar habang kung magtanim ng palay at maghayupan ang mga magsasaka, maghintay sila ng 4-7 buwan bago sila muling aani.

Paano rin ang mga namatayang pamilya, lalo na ang mga haligi ng mga ito ang namatay at nawawala?

At ngayon, lumalaganap ang mga sakit, kasama na ang pagdurumi dahil sa pag-inom sa maruruming tubig at tiyak magkakaroon pa ng ibang mga sakit.

Ganyan kabigat ang sitwasyon, mga Bro.

MGA AYUDA

Kahit lubog sa krisis pampinansya ang pamahalaang nasyunal dulot ng COVID-19 na hanggang ngayo’y hindi pa alam ng lahat kung kailan huhupa at titigil, nagsusumikap ito na gumawa ng paraan para sa panandalian at pangmatagalang solusyon sa mga problema.

Nangako mismo si Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ang mga pambansang obrero ng gobyerno P10,000 libo bawat isa anoman ang estado ng kanilang trabaho mula sa mga regular hanggang kontraktuwal.

Sana, magkaroon din ang mga obrero ng mga lokal na pamahalaan ng katulad na ayuda.

Ang nasa 97,500 pamilyang lubos na nawasakan ng tahanan ay magkakaroon naman ng P5,000 para sa panimulang pagkakaroon ng masisilungan.

Nag-order na rin ng tubig ang pamahalaan mula sa mga lugar na hindi naapektuhan ng bagyo at inatasan mismo ng Pangulo ang mga bumbero na magbiyahe at maghatid ng malinis na tubig sa mga nasalanta.

Ang National Housing Authority ay mamimigay naman sa mga lokal na pamahalaan ng P100 milyon bawat isa para sa pabahay at ang Department of the Interior and Local Government ang mangangasiwa rito.

Magbibigay rin ng pautang ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Pag-IBIG para sa paggawa o pagkumpuni ng mga bahay ng mga miyembro rito.

At buong tinatanggap ng pamahalaan ang mga salapi at ayuda na nanggagaling sa ibang bansa gaya ng China, Japan, United States, Korea, Singapore, France at iba pa.

MGA KORAP IPAKULONG SA IMPIYERNO

Tiyak na may mga korap na opisyal ng pamahalaan at mga kasabwat nila ang ngayon pa lang ay naglalaway at sumisikwat na sa mga ayudang ipinararating sa mga biktima.

At sisikwat pa sila sa mga pondo ng pamahalaan at ayuda ng mga dayuhan at mga Pilipino na nagmamagandang loob sa pagtulong.

Ang dapat sa mga ito, hindi lang ipako sa krus kundi isama sa mga itatapon sa impiyerno at sementeryo.