Ayuda idiretso sa mahihirap na pamilya, LGUs gamit digital payout – Cayetano

Ayuda idiretso sa mahihirap na pamilya, LGUs gamit digital payout – Cayetano

November 10, 2022 @ 8:52 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang direktang distribusyon ng ayuda sa mahihirap na pamilya at local government units sa pamamagitan ng digital payout.

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na deliberasyon ng 2023 national budget na inisponsor ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, sinabi ni Cayetano na malaki ang matitipid ng pamahalaan kung idedetso sa mahihirap na pamilya ang ayuda.

Naglaan ang Kongreso ang mahigit P206 bilyon bilang ayuda sa mahihirap na pamilya partikular ang sinalanta ng kalamidad sa ilalim ng 2023 national budget.

Ipinaliwanag ni Cayetano sa kanyang interpelasyon na kapag ibinigay nang direkta sa 15 milyong mahihirap na pamilya, makatitipid ang pamahalaan ng P50 milyon dahil walang administrative costs at operating expenses.

“I-deretso sa LGU. I-deretso sa pamilya. Bakit hindi nalang natin ibigay deretso na P10,000 bawat pamilya sa 15 million families? May matitipid ka pang P50 million,” giit ng senador mulang Taguig.

“So meron ka pang natira para du’n sa iba. Wouldn’t that just be a simpler, mas simpleng paraan na dumeretso sa tao ang pera,” panukala niya sa naganap na deliberasyon.

Muli ring iminungkahi ni Cayetano sa Department of Information and Communications Technology at sa economic team ng pambansang pamahalaan na gumawa ng e-payout system. Aniya, mababawasan ng computer algorithms ang “pamumulitika” at korapsyon na nangyayari sa tradisyunal na bigayan ng ayuda.

“Let it be as simple as kunan ko ng picture y’ung prescription tapos kung verified naman y’ung app mo, send it to them, then GCash nila y’ung voucher at kahit saang drugstore pwede nang ipambili,” aniya.

“Part of growing our democracy is empowering our people and one way of doing that is to take away politics by using algorithms. It doesn’t look at your political color, whether you are from Luzon, Visayas, or Mindanao, whether you are old or young,” dagdag pa niya.

Hulyo pa lang ay ipinapanukala na ni Cayetano sa Senado ang pamimigay ng P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng Sampung Libong Pag-asa Bill.

“Rather than put 18 or 19 billion (pesos) in Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), for example, bakit hindi na lang natin ibigay nang diretso na P10,000 bawat pamilya?” pahayag ni Cayetano sa interpellation.

Ngunit, sinabi ni Angara na matagal nang “well-established” ang pamamahagi ng ayuda kabilang dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program at ang social pension for indigent senior citizens.

“Very powerful logic iyong logic po ng ating kasamahan at very convincing, very powerful, but unfortunately these are well-established programs,” giit ni Angara.

“I guess it’s not easy to put all of these things back in the box yet and I’m not sure if the recipient would be the same kasi iba-iba po yung puntos ng mga programang ito,” ani Angara. Ernie Reyes