Ayuda ng gobyerno, kailangan na sa humihinang agrikultura – Angara

Ayuda ng gobyerno, kailangan na sa humihinang agrikultura – Angara

March 25, 2019 @ 2:47 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Kailangan nang kumilos ang pamahalaan upang sagipin ang humihinang sector ng agrikultura at palakihin ang kita ng magsasaka at mahikayat ang kabataan na magsaka, ayon kay Senador Sonny Angara.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na nagpalabas ng datos ang National Economic Development Authority o NEDA tungkol sa kasalukuyang estado ng agrikultura sa bansa na nagsasabing humihina ang sector ng agrikultura kaya’t bumagsak ang bilang ng manggagawa sa bansa.

Sa report ng NEDA, base sa Labor Force Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong buwan ng Enero, umaabot sa 1.7 milyong trabaho ang nawala sa sektor agrikultura na naging dahilan din ng pagbagsak ng bilang ng mga Pilipinong may trabaho ngayong taon.

Lumalabas sa naturang survey na 41.1 milyon na lamang ang registered employment sa bansa matapos itong mabawasan ng 0.9 porsyento o tinatayang 387,000 workers dala ng 1.7 milyong employment loss sa sektor ng agrikultura.

Ayon pa sa PSA, mahigit 9 milyong manggagawa ang kabilang ngayon sa agriculture sector na ayon naman sa Philippine Institute for Development Studies o PIDS ay arawang kumikita lamang ng P265.

Ani Angara, ang kawalan ng kaukulang suporta ng gobyerno sa agrikultura ang pangunahing dahilan ng unti-unting pagbagsak ng sektor kaya naman nawawalan na rin ng interes ang mga mag-aaral na kumuha ng kursong may kaugnayan dito.

Sa ulat ng Commission on Higher Education, may 142,182 ang nag-enrol sa iba’t ibang institusyong pang-agrikultura sa bansa noong 2015-2016, subalit bumagsak ang bilang na ito sa 127,287 para sa school year 2016-2017. Tuluyan itong bumagsak sa 100,922  enrolees nitong 2017-2018.

Upang mapalakas ang sektor, sinabi ni Angara na kailangang maglaan ng kaukulang tulong ang gobyerno tulad ng dagdag na pasilidad para sa irigasyon, pagpapautang, proper marketing facilities at farm subsidies para mas maging produktibo ang sektor ng agrikultura.

Base sa mga datos mula mismo sa pamahalaan, ayon sa senador, kitang-kita ang patuloy na pagbagsak ng kontribusyon ng agrikultura sa gross domestic product o GDP ng bansa.

Mula aniya 1998 hanggang 2009, 13 hanggang 14 porsyento ng kabuuang GDP ang nagmumula sa agrikultura subalit tuluyang bumagsak sa 10 percent noong 2017.  Ernie Reyes