Ayuda para sa solo parents sa Navotas, nadagdagan pa

Ayuda para sa solo parents sa Navotas, nadagdagan pa

October 18, 2022 @ 3:16 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Muling namahagi ng tulong-pinansyal ang lokal na pamahalaang lungsod ng Navotas sa mga kwalipikadong solo parents sa pamamagitan ng Saya All, Angat All program.

Tumanggap ang 450 Navoteños ng tig-P2,000 cash subsidy kasunod ng beripikasyon ng mga bagong nag-apply at nag renew ng solo parent identification cards.

Sa ika-apat na batch ng mga benepisyaryo ay kabilang sina Angelica Ebrole, 33, single mother mula Brgy. Sipac-Almacen. Balak niyang gamitin ang tinanggap na pera para sa gastusin ng mga anak sa paaralan.

“Gagamitin ko ang perang natanggap ko para mabigyan ng sapat na baon ang mga anak ko pagpasok sa eskwelahan. Nagpapasalamat ako kay Mayor John Rey sa pag-asikaso nya sa aming mga solo parent,” ani Ebrole.

Habang si Jopel Pastrana, 35, single father mula sa Brgy. Navotas East ay ganoon rin ang planong gagawin sa matatanggap na pera.

“Pandadagdag ko po ito sa pambili ng pagkain at school supplies ng mga bata. Malaking tulong po sa amin,” ani Pastrana.

Ang Saya All, Angat All Tulong Pinansyal ay para sa mga Solo Parents na bahagi ng sunod-sunod na pandemic recovery programs ng lungsod at layong ipagkaloob sa 1,500 rehistradong Navoteño solo parents.

“Our social welfare and development office is already preparing for the fifth and final batch of beneficiaries this year. We encourage Navoteño solo parents to secure their 2022 solo parent ID to qualify for the next payout,” ani Navotas City Mayor John Rey Tiangco.

Samantala ang Navotas Vocational Training and Assessment Institute ay naglunsad ng all 5-day skills training sa foot spa services upang bigyan ang mga solo parents ng iba pang pagkakakitaan sa buhay.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2019-17, bibigyan ang mga solo parents ng P1,000 educational assistance kada school year. R.A Marquez