Ayuda sa 7 Pinoy na pinalaya sa Libya, tiniyak ni Bello

Ayuda sa 7 Pinoy na pinalaya sa Libya, tiniyak ni Bello

March 15, 2019 @ 11:01 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na makatatanggap ng ayuda ang pitong Filipino seafarer na umuwi mula sa Libya nitong Martes.

Kasabay nito, nagpahatid ng pasasalamat si Bello sa pamahalaang Tripoli sa tulong na kanilang ibingay para agad makauwi ng Pilipinas ang mga seafarer na nakulong sa Libya sa loob ng dalawang taon.

Nakabalik ng Pilipinas ang mga seafarer matapos silang mapawalang-sala ng Libyan High Court sa kasong fuel smuggling. 

Sinalubong ng kani-kanilang pamilya ang mga seafarer at ng mga opisyal sa pangunguna nina Bello, Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo Cacdac, at opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Ayon sa kalihim, ang mga seafarer ay makakatanggap ng tulong pangkabuhayan mula OWWA at educational scholarship para sa kanilang mga anak.

Bago ang pagbabalik ng mga seafarer, nakatanggap ang kani-kanilang pamilya ng tulong-pinansiyal mula sa OWWA na nagkakahalaga ng P50,000.

Sinabi rin ng Kalihim na ang maayos na ugnayan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang naging daan para sa matagumpay na pag-uwi ng mga seafarer.

“Patuloy naming ipinagdasal ang aming paglaya. Nagpapasalamat kami sa mga sangay ng gobyerno, sa aming mga pamilya, at sa mga Pilipinong sumuporta sa amin hindi lang dito sa Pilipinas, kung hindi maging sa Libya,” ani Captain Arthur Taleño, isa sa mga umuwing seafarers.

Kabilang ang pitong Filipino seafarer na nakulong sa Libya ng mahigit dalawang taon, sa 20 Filipino na nadakip matapos kunin ng Libyan Coast Guard ang tanker M/T Levante habang nakadaong sa international water./Jocelyn Tabangcura-Domenden