Ayuda sa indigent PWDs itutulak na sa Senado

Ayuda sa indigent PWDs itutulak na sa Senado

December 27, 2022 @ 8:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tatalakayin na ng Senado sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Enero, ang panukalang naglalayon na bigyan ng P2,000 buwanang-pensyon ang mga indigent persons with disabilities (PWDs).

Ito ay sa ilalim ng Senate Bill 1602 o ang “Disability Support Fund Act” kung saan ibibigay ang ‘initial amount’ na P2,000 bilang buwanang tulong sa mga PWD ng isang indigent family.

Ipagtatanggol ni Senador Imee Marcos ang naturang panukala na siya ring bill sponsor nito, kasama ng mga may-akda na sina Senador Risa Hontiveros, Lito Lapid, Ronald dela Rosa, at Ramon Revilla Jr.

Saad sa panukala, sakop nito ang “indigent person with disability” o ang mga taong mahina na, sakitin at walang natatanggap na pensyon o permanenteng kinikita upang matustusan ang pangangailangan nito.

Kabilang sa proposed pension ay ang mga PWDs na may pisikal, mental, intellectual at sensory impairments.

Inirerekomenda rin ng panukalang Disability Support Fund na bigyang prayoridad ang mga children with disabilities at adults with moderate and severe disability sa unang tatlong taon ng implementasyon nito.

Samantala, sa probisyon ng panukala, parurusahan ng multang P50,000 hanggang P100,000 ang mapatutunayang nagpapanggap na isang indigent PWD applicant. RNT/JGC