Ayuda sa mahihirap pinatitigil ni Diokno; solon pumalag

Ayuda sa mahihirap pinatitigil ni Diokno; solon pumalag

August 29, 2022 @ 11:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ni House Deputy Minority Leader France Castro ang sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na isang “aksaya ng pondo” sa yugtong ito ang pagbibigay ng ayuda kaugnay sa COVID-19 pandemya.

Tinawag ni Castro, kinatawan ng ACT Teachers Party-list, na “alarming” ang pahayag ni Diokno sa unang araw ng deliberasyon ng Kamara para sa panukalang P5.268-trillion national budget para sa 2023.

Sinabi kasi ni Diokno sa House Committee on Appropriations na ang pagbibigay ng “ayuda” ay dapat na ihinto na dahil fully recovered na umano ang bansa at limitado pa rin ang pananalapi nito.

Sinabi ni Castro na kakaiba ang pananaw ni Diokno pagdating sa ‘full recovery’ ng bansa.

“It seems that his concept of being ‘fully recovered’ from the pandemic is simply not having lockdowns and does not consider the rising numbers of jobless in the country, the rising cost of basic goods and services, and the 19.9 million poor Filipinos,” anang mambabatas.

“Porke ba pwede na lumabas ang mga tao, wala nang responsibilidad ang gobyerno na bigyan ng tulong ang mamamayan na hindi pa rin nakakarecover mula sa palpak na tugon ng gobyerno sa pandemic sa nakalipas na dalawang taon?,” tanong ni Castro.

Iginiit ni Castro sa DOF secretary na ang pampublikong pondo ay nagmumula sa buwis ng mga tao, na binanggit na ang mahihirap at ang middle class na mamamayan ay nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng excise, value-added, at income taxes.

Isa pa sa pinalagan ni Castro ang sinabi ni Diokno na target na paglilimita sa mga aayudahan ng gobyerno sa mga mayroon lamang Philippine Identification System (PhilSys) o national ID.

“RA (Republic Act) 11055 or the Philippine ID system is not mandatory and should not be used as a condition for benefits,” ani Castro.

Nakasaad sa Section 14 ng RA 11055 na “Proof of identity shall not necessarily be construed as proof of eligibility to avail of certain benefits and services which shall be determined based on applicable rules and regulations of the government authorities/agencies concerned. Issuance of the PSN and or PhilID shall not likewise be construed as inconvertible proof of citizenship.” RNT