Ayuda sa middle class, oks kay Bato: Dapat may pondo!

Ayuda sa middle class, oks kay Bato: Dapat may pondo!

July 8, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Suportado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang plano ng pamahalaan na magpamigay ng ayuda sa middle class hangga’t may pondo.

Ayon sa senador, kailangan magbigay ng ayuda ang pamahalaan dahil apektado ang lahat ng pandemya at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

“Dapat mayroon tayong graduation. Calibrated dapat ‘yan. Kung kakaunti ang pondo, doon tayo sa pinakamababa pero kung kaya pa i-cover ng pondo natin ang middle class, isama natin sila,” ayon kay Dela Rosa.

“Kasi sa totoo nga, they are the ones feeding our economy. ‘Yung middle class, sila ‘yung nagbabayad ng taxes, sila ‘yung nagtatrabaho. Kung mapapansin mo ‘yung mga nasa pinakababa, ‘yung iba d’yan ay hindi nagtatrabaho. So, rational tayo when it comes to giving ayuda,” dagdag niya.

Sinabi ng mambabatas na dapat mabigyan din ng ayuda ang middle class na matagal nang dapat mabigyan.

Hinggil naman sa panukala ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat mamahagi ang pamahalaan ng one-time cash aid na nagkakahalagang P10,000 kada pamilyang Filipino, ayon kay Dela Rosa na maganda ang intensiyon pero kailangan ikonsulta muna sa economic managers.

“The intention of Senator Alan Cayetano ay napakaganda… Ako rin mismo, kung kaya natin ibigay yan, ibigay natin pero pag sinabi ng economic managers ng gobyerno na hindi kaya, then do’n ako kakampi sa kanila kasi anong gagawin natin kung hindi kaya ‘di ba?” ayon kay Dela Rosa.

“So maging praktikal tayo pagdating d’yan pero kung tanungin natin ‘yung rationale behind that panukalang batas ni Senator Cayetano, napakaganda po niyan. Very noble ang intention niya sana matutupad yan,” dagdag niya. Ernie Reyes