Ayungin Shoal incident iniimbestigahan na ng PCG

Ayungin Shoal incident iniimbestigahan na ng PCG

January 21, 2023 @ 4:12 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Pinaiimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nangyaring insidente sa Ayungin Shoal kung saan itinaboy umano ng Chinese Coast Guard vessel (CCGV) ang bangkang pangisda ng mga Filipino.

Enero 20 nang iulat ni Lito Al-os, ang boat captain ng Filipino fishing boat (FFB) Ken-Ken sa PCG na ang CCG 5204 ay tinaboy sila habang mangingisda sa katubigang bahagi ng Ayungin Shoal noong Enero 9.

Kasunod nito, ang CCGV 5204 ay nagmaniobra patungo sa FFB KEN-KEN sa layong humigit-kumulang 800 yarda at nag-deploy ng rigid hull inflatable boat (RHIB).

Sumenyas ang mga tauhan ng CCG na sakay ng RHIB na umalis sa lugar ang mga mangingisdang Pilipino.

Dahil dito, binago ng FFB KEN-KEN ang kanyang ruta at umalis sa Ayungin Shoal.

Gayunpaman, ipinagpatuloy ng CCGV 5204 ang pagbuntot sa FFB KEN-KEN habang patungo sa Boxall Reef.

Nang matanggap ang ulat, agad na nagdeploy ang PCG ng karagdagang Coast Guard vessels upang palakasin ang presensya nito sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay upang maprotektahan ang interes at matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino na nagsasagawa ng mga operasyon sa pangingisda sa nasabing katubigan bilang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.

Sa ngayon, nangongolekta ang PCG ng ebidensya at karagdagang impormasyon na ipapasa sa Department of Foreign Affairs, (DFA). Jocelyn Tabangcura-Domenden