Azurin duda sa pagkamatay ng ‘middleman’ sa Lapid slay

Azurin duda sa pagkamatay ng ‘middleman’ sa Lapid slay

October 24, 2022 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mayroon din na pagdududa si Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa biglaang pagkamatay ng inmate sa New Bilibid Prison na itinuturong middleman sa pagpatay naman sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Sa press briefing nitong Lunes, Oktubre 24 kinwestyon ni Azurin ang pagkamatay ni Crisanto Villamor kasabay ng imbestigasyon naman sa kaso ng pagpatay kay Lapid.

“Most probably, kasi sabi ko nga it’s too much of an incident, it’s an unfortunate incident but it’s questionable. The timing is questionable,” aniya nang matanong kaugnay ng posibilidad ng foul play sa nangyaring insidente.

Matatandaan na nauna nang sinabi ng Bureau of Corrections na walang senyales ng physical injury sa katawan ni Villamor sa paunang imbestigasyon.

Maliban dito, kinwestyon din ni Azurin ang naunang ulat na di-umano ay nasawi si Villamor habang natutulog, kahit tanghaling tapat.

Aniya, imposible sa mga preso na makatulog tuwing tanghali dahil sa sobrang siksikan ng pasilidad.

Dahil dito, ikinokonsidera niya ang posibilidad na baka mayroong isang tao mula sa Bilibid ang pumatay sa middleman.

Matatandaan noong Oktubre 18 ay isa si Villamor sa itinuro ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagplano ng pagpatay kay Lapid.

Ilang araw makalipas nito, kinumpirma naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na namatay na si Villamor sa loob ng Bilibid nang kapareho ring araw ng pahayag ni Escorial.

Samantala, hindi naman inirerekomenda ng PNP na ituring na state witness si Escorial ngunit nasa DOJ pa rin kung ilalagay ba nila ito sa Witness Protection Program. RNT/JGC