B.E.S.T Swimmers sa TOPS ‘Usapang Sports’

B.E.S.T Swimmers sa TOPS ‘Usapang Sports’

January 25, 2022 @ 3:39 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Apat sa pinakamahuhusay na elite swimmers ng Philippine B.E.S.T (Behrouz Elite Swimming Team), sa pangunguna ni National junior record holder at Palarong Pambansa champion Micaela Jasmine Mojdeh, ang panauhin sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa Huwebes, Enero 27, via Zoom.

Makakasama ng 16-anyos at Grade 11 student sa Brent International School-Laguna ang dabarkads na sina Marcus Johannes De Kam, Jordan Ken Lobos, at John Neil Paderes sa lingguhang sports forum ganap na 10:00 ng umaga sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.

Tinaguriang ‘Water Beast’ bunsod ng dominanteng kampanya sa junior level ng local at international tournaments, target ni Mojdeh at ng mga kasangga sa Philippine B.E.S.T na makasungkit ng slots sa National Team sa kanilang paglahok sa Philippine National Open na nakatakda sa Pebrero 25-27 sa New Clark City Swimming pool sa Tarlac.

Ang Open ay isa sa mga torneo na pinagbabasehang tryouts para sa komposisyon ng National junior at senior team ng Philippine Swimming Inc. (PSI) na isasabak sa international meet, kabilang na ang Southeast Asian Games na nakatakda sa Mayo 12-27 sa Hanoi, Vietnam. Ang PSI ay pinamumunuan ni Ms. Lani Velasco.

Sa ginanap na PSI-National Bubble meet nitong Oktubre, sumabak din ang B.E.S.T at humakot ng pitong ginto, anim na silver at limang bronze medal. Winalis ng 19-anyos na si Paderes ang tatlong backstroke event na nilahukan, habang nagwagi ng dalawang breaststroke event ang pambato ng  Calayan Educational Foundation School sa Lucena City na si Lobos at sumungkit ng isang ginto, tatlong silver at isang bronze medal si Mojdeh.

Inaanyayahan ni TOPS President  Beth Repizo-Merana ng Pilipino Star Ngayon ang mga miyembro at opisyal, gayundin ang swimming community na makilahok sa talakayan na live streaming sa TOPS Facebook page at YouTube.Rico Navarro