Babae, 4 pang kasama arestado sa talbog na tseke

Babae, 4 pang kasama arestado sa talbog na tseke

February 27, 2023 @ 8:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Arestado ang isang babae dahil sa talbog na tseke habang isinama na ring dinakip ang apat na kasama nitong kalalakihan na mga nagpakilalang protective agents nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Edward Cutiyog ang inarestong babaeng suspect na si Barbara Rodora Marapao Bagabaldo, a.k.a. “Barbie”, 31, habang hindi naman napangalanan ang apat na dinakip na kalalakihan na kasama ni Bagabaldo.

Base sa imbestigasyon ng Makati City police, nag-ugat ang pagkakaaresto kay Bagabaldo makaraang magreklamo ang isang hotel sa Makati dahil sa pagbabayad ng tseke na nagkakahalaga ng P51,000 para sa kanyang pagcheck-in ng ilang araw na pamamalagi sa hotel.

Sa pagsisiyasat ng hotel desk officer ay nadiskubre nito na walang lamang pondo sa bangko ang tseke kung kaya’t agad na itong tumawag ng responde sa barangay.

Habang kinakausap si Bagabaldo ng mga tauhan ng Barangay ay lumabas ang apat na kalalakihan sa uupahan sanang kwarto na mga diumano’y bodyguard ng suspect.

Dumating na rin ang mga miyembro ng pulisya kung saan tinanong ang apat na kalalakihan na nagpakilalang protective agents ngunit wala silang maipakitang dokumento at hindi rin sila awtorisadong magdala ng baril kung kaya’t pati sila ay dinala na rin sa presinto.

Sa pagsisiyasat ng pulisya ay nadiskubre na may nakabinbin pala si Bagabaldo na warrant of arrest dahil sa kasong estafa.

Ayon kay Cutiyog, nakatanggap na sila ng tawag mula sa mga nabiktima ni Bagabaldo sa kanyang modus operandi.

“Ating napag-alaman na nagre-renta siya ng condo pagkatapos po ay binebenta niya, pinipeke niya ang mga dokumento or yung mga nagrenta sila ng mga kotse after that pinipeke po nila and then binebenta niya so nalaman din po nitong pinagbebentahan yung dokumento na pinapakita, hindi legitimate, peke,” ani Cutiyog.

Depensa naman ni Bagabaldo na nagbago na naman siya at nagkataon lang na nangyari ito subalit aniya’y nililinis na niya.

Nahaharap sa kasong anti-bouncing check law si Bagabaldo habang sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 11917 o ang Privacy Services Industry Act ang apat na hindi napangalanang mga kalalakihan sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan