Babae kinatay ng adik na live-in partner

Babae kinatay ng adik na live-in partner

March 13, 2023 @ 9:42 AM 2 weeks ago


BUKIDNON- Kaawa-awa ang sinapit ng 22-anyos na babaeng 3rd year college student matapos ataduhin ng saksak ng live-in partner na umano’y adik sa iligal na droga, iniulat kahapon sa bayan ng Don Carlos.

Kinilala ang biktimang si Kimberly Achas, habang nadakip naman ang suspek at live-in partner nitong si Elson Jamisola, 27, kapwa residente sa Purok 9, Poblacion Sur, Don Carlos, Bukidnon.

Batay sa report ng Don Carlos Municipal Police Station, bandang alas-3:10 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ni Bobong Jamisul.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen kinausap ng biktima ang suspek na muli itong pumasok sa rehabilitation center dahil sa lumalala na naman ang paggamit nito ng iligal na droga subalit tumanggi ang suspek.

Umuwi ang suspek sa kanilang bahay at naabutan nito ang ina ng biktima at kumare na nag-uusap sa loob ng kanyang bahay.

Kwento ng ina ni Achas, pinalabas sila ng bahay ng suspek saka ikinandado ang pintuan ng bahay.

Base sa kuha sa CCTV, karga ng biktima ang kanilang 9-buwan ng anak at kinuha ito ng suspek saka inilagay sa sofa dahilan para mahulog ang bata.

Hindi pinansin ang pagbagsak ng kanilang anak at kinaladkad nito ang biktima saka pinagsusuntok at nagbasag ng salamin.

Kinuha ng suspek ang basag na salamin at pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima .

Sinabi pa ng ina ng biktima na naririnig nilang humihingi ng tulong ang anak at pilit nilang binubuksan ang pintuan subalit hindi ito mabuksan.

Humingi na sila ng tulong sa pulisya subalit pagdating sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakatakas na ang suspek habang dinala naman sa ospital ang naliligo sa sariling dugo na biktima at kanilang anak.

Pagdating sa Don Carlos Doctor’s Hospital sa Bukidnon idineklara na rin itong patay ng umatending doktor na si Dr. John Mark Reynold Balaba sanhi ng 16 na saksak sa leeg.

Nasa ligtas na kalagayan na ang bata.

Sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad ay nadakip ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong parricide. Mary Anne Sapico