Babae kulong sa pasalubong na shabu

Babae kulong sa pasalubong na shabu

April 2, 2022 @ 9:11 AM 3 months ago


LILOAN, Cebu- Diretso sa kulungan ang isang babae na dadalaw lamang sana sa kanyang kaibigan subalit may pasalubong itong shabu, Biyernes, sa nasabing lungsod.

Kinilala ang suspek na si Charlene Gonzalez Albon, 27, dalaga, taga-Purok Uno ug Dos, Brgy. Cogon, Compostela.

Ayon kay Police Major Ramil Morpos, hepe ng Liloan Police Station, dakong alas-6 ng hapon nitong Huwebes, dumalaw si Albon sa nasabing istasyon sa Brgy. Jubay, ng nasabing lungsod sa nakakulong nitong kaibigan na si Janine Yrog-irog.

Dumaan sa inspection ang mga dalang gamit ni Albon at bumulaga sa harapan jail officer ang katamtamang laki ng pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakalagay sa lotion at aluminium tin foil.

Ang nasabing shabu ay nasa 5 gramo ang bigat at nagkakahalaga ng P34,000.

Nabatid na dati na rin nakulong si Albon taon 2020, sa Danao City Jail dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga. Mary Anne Sapico