Babae na nagsindi ng kandila, natagpuan patay

Babae na nagsindi ng kandila, natagpuan patay

October 3, 2022 @ 1:32 PM 2 months ago


DANAO CITY – Hindi inakala ng isang babae na pag-akyat nito ng bundok para magsindi ng kandila ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan nang matagpuan patay sa kanal, Linggo, Oktubre 2 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Maria Sofia Olaguir, 47-anyos at residente ng Barangay Sandayong Norte ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Danao City Police Station, bandang 12:00 AM natagpuan ang bangkay ng biktima sa may kanal sa itaas ng bundok ng Mt. Manghilao, Barangay Masaba, Danao City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, Biyernes ng umaga nitong Setyembre 30, umakyat ng nasabing bundok ang biktima para magsindi ng kandila at magdasal sa kagustuhan maging guro at makapasa sa nalalapit na Licensure Examinations for Professional Teachers (LET).

Subalit kinabukasan ay hindi na nakauwi pa ang biktima kaya humingi na ng tulong ang kanyang mga kaanak para hanapin ito na kalaunan ay nakita ang kanyang bangkay sa maliit na kanal sa naturang bundok.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente para malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima. Mary Anne Sapico