Babae patay sa panananambang sa Parañaque

Babae patay sa panananambang sa Parañaque

January 23, 2023 @ 7:14 AM 5 days ago


MANILA, Philippines- Isang 35-taong-gulang na babae ang namatay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin Linggo ng gabi (Enero 22) sa Parañaque City.

Dead on the spot dahil sa tama ng bala ng baril ang biktima na nakilalang si Manilyn Acuesta Guinto, walang trabaho at residente ng Bagong Ilog Street, Brgy. Baclaran, Paranaque City.

Base sa inisyal na report na isinumite kay Parañaque police chief P/Col. Renato B. Ocampo, nangyari ang insidente ng pamamaril dakong alas-8:10 ng gabi sa Dimasalang Extension, Barangay Baclaran, Parañaque City.

Ayon kay Ocampo, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang Baclaran Police Sub-Station tungkol sa insidente ng pamamaril kung saan agad na rumesponde ang mga tauhan ng nabanggit na estasyon sa pamumuno ni P/Capt. Mythor Santos kabilang sina PSSg Albert D. Arenas at Pat. Mamet G. Mendoza.

Pagdating ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ay tumambad sa mga ito ang bangkay ng biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo.

Sa patuloy na pagsasaliksik ng pulisya ay narekober sa lugar ng pinangyarihan ang dalawang basyo ng .45 kalibre pistola gayundin ang isang tingga ng bala o slug.

Makaraan ang ilang minuto ng kanilang pagsasaliksik ay tumawag para maimpormahan naman ni Santos ang Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Paranaque City police para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa naturang kaso. James I. Catapusan