Babae patay sa tsismis

Babae patay sa tsismis

May 1, 2022 @ 10:02 AM 2 months ago


ILOILO CITY – Patay ang isang babae matapos barilin ng sariling pinsan dahil sa tsismis nitong Sabado sa bayan ng Banate.

Kinilala ang biktima na si Joyce Ferrer, 26-anyos, habang tugis pa ang suspek na kinilalang si Mel Ferrer, 42-anyos, kapwa residente sa Barangay Merced, Banate, Iloilo.

Ayon kay Police Master Sergeant Joelito Babayo III, dakong 8:00 AM naganap ang krimen sa labas ng  kanilang bahay sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon sa pulisya, gabi ng Abril 29, 2022 nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang magpinsan dahil umano sa kuwento-kuwento sa kanilang lugar.

Kinaumagahan, nagkasalubong ang biktima at suspek at muli na naman silang nag komprontahan hanggang sa bumunot ng baril ang huli.

Mabilis tumakbo ang biktima pero nadapa ito sa may kanal at doon na siya binaril na malapitan sa dibdib saka mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang .45 na baril na ginamit sa krimen.

Isinugod pa sa ospital ang biktima pero dineklara na rin itong patay ng doktor.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico