Babae patay sa video call

Babae patay sa video call

October 13, 2022 @ 9:15 AM 2 months ago


MAGUINDANAO – Patay ang 23-anyos na babae matapos pagsasaksakin ng kanyang live-in partner makaraan mahuli na may lalaking ka-video call nitong Miyerkules, Oktubre 12 sa bayan ng Upi.

Kinilala ang biktimang si Antonnete Angkao Indong habang nadakip naman ang suspek at live-in partner ng biktima ng kinilalang si Edward Questo Gumban, 29, at kapwa nakatira sa Abad Street, Brgy Nuro, Upi.

Ayon kay Upi chief Police Major Dareen Tolosa, dakong alas-9 ng umaga naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-live-in partner sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa kanilang bahay ng maabutan nito ang biktima na may ibang lalaking ka-video call sa cellphone.

Nagdilim ang paningin ang suspek at agad na kumuha ng kutsilyo at pinag-uundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen kusa naman sumuko sa pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong murder. Mary Anne Sapico