Babae, umakyat sa Statue of Liberty sa US

Babae, umakyat sa Statue of Liberty sa US

July 5, 2018 @ 10:56 AM 5 years ago


 

 

United States – Isang babae ang umakyat sa Statue of Liberty habang anim naman ang inaaresto sa mismong araw ng Independence Day ng bansa.

Ang New York police ay nakipagtulungan sa US Park police upang alisin ang babae sa estatwa habang ang anim naman sa mga naaresto ay pawang mga demonstrador.

Pansamantala naman inilikas ang mga turista sa Liberty Island para isagawa ang negosasyon sa babaeng umakyat sa makasaysayang landmark.

Sa mga larawan, makikita ang isinasagawang pakikipag-usap sa babae na nasa bandang paa ng Statue of Liberty.

Naglagay naman ng rope rescue system ang mga awtoridad dahil pinaniniwalaan nilang hindi kakayanin ng babae na makababa mag-isa.

Umabot sa apat na oras ang negosasyon para mapababa ang babae mula sa estatwa.

Samatala, ayon naman kay National Park Service spokesman Jerry Willis, ang anim na indibidwal na naaresto ay nanawagan sa abolisyon ng ICE o ang Immigration and Customs Enforcement division ng Department of Homeland Security ng gobyerno.

Naglagay ang anim na demonstrator ng banner na may nakasulat na ‘Abolish ICE’ na siyang mahigpit na ipinagbabawal sa monument.

Ang naturang kagawaran ay nag-aaresto at nagpapauwi sa mga hindi awtorisadong immigrants sa loob ng US.

Mariin naman itinanggi ng grupong ‘Rise and Resist’ na nagsagawa ng demonstrasyon na ang babae na umakyat sa Statue of Liberty ay parte ng kanilang grupo. (Remate News Team)