#BabaeAko, protesta para sa pangulo

#BabaeAko, protesta para sa pangulo

June 13, 2018 @ 11:55 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Hindi natinag ng ulan ang mahigit sa isang libong kababaihan na nagmartsa sa Maynila upang iparating kay pangulo Rodrigo Duterte ang kanilang protesta laban sa mapang-abuso nitong gawain at salita sa mga kababaihan.

Ang mga protestante ay naglibot sa kalsada ng Maynila na may dalang payong at nakasuot ng mga damit na may kulay ng watawat ng Pilipinas habang sinasabing “Duterte takot sa kababaihan.”

Ang protesta ay dahil sa paulit-ulit na pag-joke ni Duterte tungkol sa rape, pagtatanggol sa pambabae at pag-utos nito sa mga sundalo na barilin ang mga babaeng rebelde sa maseselang bahagi ng kanilang katawan.

Dahil dito, naglunsad  ang grupo ng mga kakabaihan noong nakaraang buwan ng social media campaign na  #Metoo-style na naglalayong wakasan ang ganitong ugali ng pangulo sa mga kababaihan.

Umagaw ng atensyon sa social media ang kanilang #BabaeAko hashtag na kanilang ginamit sa protesta sa mismong araw ng kalayaan ng bansa.

Nasa 1,500 na babae at lalaki ang nakiisa sa martsa.

Samantala, nagsagawa rin ng protesta sa Liwasang Bonifacio ang grupo kontra administrasyong Duterte upang kuwenstyunin ang kalayaan ng Pilipinas na tinawag naman nilang HINDIpendence day. (Remate News Team)