Babaeng Cameroonian, arestado sa pekeng pasaporte

Babaeng Cameroonian, arestado sa pekeng pasaporte

November 22, 2022 @ 4:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Cameroonian na nagpakita ng pekeng pasaporte habang nag-aaplay ito ng kanyang visa extension noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni BI SM Aura Satellite Office Chief Evita Argene Mercader ang inarestong si Irene Lekeayi Nyiwung, 31, makaraang magpakita ito ng mga pekeng dokumento sa panahon ng kanyang aplikasyon para sa pagpapalawig ng kanyang visa.

Sa ulat ni Mercader, napansin ng mga tauhan ng BI na hindi magkakatugma ang mga detalye sa pasaporte na iprinisinta ni Nyiwung kaya’t agad nila itong isinumite sa laboratoryo ng forensic documents ng BI kung saan kalaunan ay kinumpirma nila na peke ito.

Pinuri naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pag-aresto sa dayuhan at pinaalalahanan ang mga tauhan ng imigrasyon na manatiling mapagbantay sa pagproseso ng mga aplikasyon.

“These fraudsters still attempt to use fake documents to dupe immigration personnel.  However, our frontliners are highly skilled in document inspection, so these types of fraud will definitely be caught,” ani Tansingco.

Itinurn-over si Nyiwung sa intelligence division ng BI para sa karagdagang imbestigasyon at booking, at pansamantalang nakadetine ito sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang mga paglilitis sa kanyang deportasyon. JAY Reyes