Babaeng mandurukot na tirador ng estudyante, timbog sa Maynila

Babaeng mandurukot na tirador ng estudyante, timbog sa Maynila

October 17, 2022 @ 3:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang 49-anyos na babaeng mandurukot na ang isa sa pangunahing target ay ang mga estudyanteng nagbabalik eskwela makaraang maaresto ng mga tauhan ng Manila City Hall Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) nang mambiktima ito malapit sa Unibersidad de Manila sa Ermita, Maynila.

Kinilala ni SMaRT Chief P/Maj. Edward Samonte ang naarestong suspek na si Belinda Dela Rosa, 49, walang trabaho, ng 1061 Liberan St., Bambang, Tondo, Maynila habang pinaghahanap naman ang nakatakas nitong kasabwat na si Maricris Dabucol na residente ng Quiapo sa nasabing lungsod.

Sa report ng pulisya, naganap ang insidente ng pagnanakaw sa biktimang si Marilou Bantayog, 46, ng Admin Analyst, ng Juan Luna St., sa Tondo sa Arroceros St., malapit lamang sa UDM.

Nauna dito, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng SMaRT sa nasabing lugar nang marinig nila na sumisigaw ang biktima ng “Magnanakaw! Magnanakaw!” kaya’t agad silang rumesponde kung saan dinukutan umano siya ng mga suspek.

Hinabol ng mga awtoridad ang mga suspek ngunit tanging si Dela Rosa ang kanilang nahuli habang nakatakas ang kasamahan nito.

Narekober sa naarestong suspek ang cellphone ng biktima habang natangay naman ng isa pang suspek ang wallet na may P5,000 cash at iba’t ibang ID ni Bantayog.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 308, Theft, RPC (Pick pocket) si Dela Rosa habang patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang kasabwat nito.

Pinaalalahanan ni Maj. Samonte ang publiko partikular na ang mga estudyante na maging mapagmatyag at magdoble ingat upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob. Tiniyak naman nito na patuloy ang kanilang isinasagawang police visibility lalo na sa mga eskwelahan alinsunod na din sa direktiba ng pamunuan ng Philippine National Police.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay naaresto ang tatlong babaeng mandurukot ng mga tauhan ng SMaRT makaraang mambiktima ng isang sales lady habang naglalakad sa Liwasang Bonifacio Monument sa Ermita, Maynila. JAY Reyes