Babaeng nabaliw sa pag-ibig, tumalon sa tulay!

Babaeng nabaliw sa pag-ibig, tumalon sa tulay!

August 17, 2022 @ 12:48 PM 2 months ago


BACOOR, Cavite- Mapalad na nakaligtas ang isang babae na may problema sa pag-iisip matapos tumalon sa tulay kahapon (Martes) sa lungsod na ito.

Dinala sa isang ospital sa Bacoor City ang biktima na itinago lamang sa pangalan Shie, 31, at residente ng Bacoor City.

Dakong alas-3:15 ng hapon nasaksihan ng Remate News Team (RNT) ang pangyayari sa loob ng isang subdivision sa nasabing naturang lungsod.

Naabutan ng RNT na nakadungaw sa ilalim ng tulay ang 70-anyos na ina ng biktima at umiiyak kaya nilapitan ito at doon nakitang nasa ilalim ng tulay at nakahiga sa mabato ang kanyang anak.

Habang naghihintay ng rescue paulit-ulit na sinasambit ng biktima ang mga salitang “baliw ako, baliw ako,” habang inuuntog ang kanyang ulo sa bato.

Mabilis naman rumesponde ang Barangay Buhay na Tubig, Imus at City Disaster Risk Reduction Management Office, para iahon ang biktima mula sa tinatayang 20-talampakan na lalim ng tulay.

Sinabi ng ina sa RNT, na nag-aaral pa lamang ng high school ang kanyang anak ay nabigo na ito sa pag-ibig hanggang sa nawala na ito sa katinuan.

Aniya, tatlong araw niyang napansin na balisa ang anak dahil sa hindi ito nakainom ng gamut.

“Kapag nakainom naman siya ng gamut hindi siya ganyan, nagulat na lamang ako tumakbo siya palabas ng bahay at habulin ko bigla na lamang akong tinulak saka tumalon na siya sa tulay, yun na nga yung naabutan nyo po ako,” wika pa ng ina sa RNT. Mary Anne Sapico