Babaeng nagpanggap na optometrist huli ng NBI

Babaeng nagpanggap na optometrist huli ng NBI

October 12, 2022 @ 4:21 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ginang dahil sa illegal na pagsasagawa ng Optometry sa Brgy. San Francisco, Iriga City.

Kinilala ng NBI ang naaresto na si Josephine Nazarrea y Balang.

Nakatanggap umano ang NBI ng reklamo mula sa Integrated Philippine Association of Optometrists, Inc. (IPAO) – Camarines Sur hinggil sa umano’y illegal na pagsasagawa ng Optometry na kanilang na-monitor sa N. Balang Sagara Optical Clinic sa New Iriga City Public Market.

Nagsagawa naman ng surveillance ang NBI Naga District Office sa nasabing establisyimento at nakumpirma ang natanggap na impormasyon.

Humiling ang NBI-Naga ng sertipikasyon sa Philippine Regulation Commission (PRC) para ma-validate kung lisensiyado.

Naglabas naman ng dokumento ang PRC na nagsasaad na hindi lumalabas sa kanilang database ng rehistrado o lisensyadong optometrist sina Lorenzo Nazarrea, Josephine Balang Nazarrea, Nancy Nalang Sagara at Hilda Balang.

Dahil dito, ikinasa ang operasyon kung saan nagpanggap na poseur-client ang isang ahente ng NBI na nagresulta ng pagkakadakip ng suspek matapos tanggapin ang initial payment na P1,000.

Isinalang na sa inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office ng Iriga City ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden