Babala ni Gatchalian sa ‘di marunong: crypto, ‘glorified casino’

Babala ni Gatchalian sa ‘di marunong: crypto, ‘glorified casino’

December 3, 2022 @ 9:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian nitong Huwebes, Disyembre 1 sa publiko na huwag basta-bastang pumasok at mamuhunan sa crypto kung hindi pa nito lubusang nalalaman ang konsepto sa likod ng digital currencies.

Kasabay nito ang pagsasabi niya na ang cryptocurrencies ay hindi pa regulated sa bansa.

“Kung hindi mo naiintindihan ang konsepto, wag mong papasukan dahil hindi mo alam kung saan mapupunta ang pera,” ani Gatchalian na siya ring vice-chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies.

Idiniin nito na ang maihahalintulad sa gambling ang pagpasok sa cryptocurrency investing na tinawag niyang “glorified casino.”

“Ang crypto kasi is a glorified casino. walang kaibahan yan sa casino, pina-fancy lang nila, crypto, nagma-mine ng coins, pero at the end of the day, it’s a glorified casino,” aniya.

Inihalimbawa nito ang pagbagsak ng cryptocurrency exchange FTX.

“Kaya yung nangyari sa…FTX, very simple lang ang nangyari. Kinuha ang pondo ng kliyente, inilagay sa bad investment, so yun ang nangyari sa FTX. Pina-fancy lang nila na crypto, nagma-mine, pero at the end of the day, it’s no different than the casino. So kung hindi naintindihan, don’t go into it,” pagtatapos ni Gatchalian. RNT/JGC