Babala sa bagyong Paeng posibleng itaas simula Huwebes, Oktubre 27

Babala sa bagyong Paeng posibleng itaas simula Huwebes, Oktubre 27

October 26, 2022 @ 3:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng magtaas na ng babala sa bagyo o storm signal ang PAGASA dahil sa Tropical Depression Paeng simula bukas, araw ng Huwebes.

Sa 11 a.m. bulletin ngayong araw, Oktubre 26 ay sinabi ng ahensya na lumakas ang low pressure area at naging isang ganap nang bagyo at inaasahan pang lalakas sa ‘typhoon category’ pagsapit ng Sabado.

Hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na mag-landfall ang bagyong Paeng sa Hilagang Luzon.

Bukas naman, Huwebes ng umaga ay maaari nang magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa mga lugar sa Eastern Visayas o Bicol Region.

“Per latest track and intensity forecast, the most likely highest wind signal that will be hoisted is Wind Signal No. 4,” ayon sa PAGASA.

Huling namataan ang bagyong Paeng sa layong 965 kilometro silangan ng Eastern Visayas taglay ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras at pagbugso na 55 kilometro kada oras.

Mabagal ang galaw nito sa direksyong west northwestward at inaasahang magpapaulan na simula Biyernes ng umaga hanggang Sabado ng umaga sa Bicol Region. RNT/JGC