Baboy mula Iloilo, Panay bawal sa Cebu

Baboy mula Iloilo, Panay bawal sa Cebu

October 14, 2022 @ 8:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaan panlalawigan ng Cebu ang pagpasok ng mga buhay na baboy maging ang karne nito na nagmumula sa probinsya ng Iloilo at kabuuan ng isla ng Panay.

Ito ang inanunsyo ng probinsya makaraan kumpirmahin ng Iloilo provincial government na nakapagtala sila ng unang kaso ng African Swin Fever ngayong taon.

Sa bagong executive order na ipinalabas ni Governor Gwen Garcia, magtatagal ang ban ng 60 araw o mula Oktubre 13 hanggang Disyembre 12.

“The Provincial Government of Cebu cannot risk the incursion of the disease within its territorial jurisdiction,” ayon sa kalatas.

Sakop ng direktiba ang pagbyahe ng mga sasakyan may kargang baboy.

Pinahihigpitan din ni Garcia ang inspeksyon sa mga pantalan at paliparan upang masigurong walang makapapasok na karne ng baboy mula Panay Island sa probinsya.

Pansamantalang suspendido rin ang ibinigay na livestock permit nila sa mga apektadong probinsya.

Hihingian naman ng dagdag na requirements ang mga baboy na nagmula sa Negros Oriental at Negros Occidental.

“The Provincial Veterinarian of Negros Oriental or Negros Occidental, as the case maybe, shall issue a certificate for the shipment” ayon sa kautusan.

Nakipag-ugnayan na ang gobernador sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang tutukan ang naturang kautusan. RNT/JGC