Baby girl, minaltrato ng yaya, tepok

Baby girl, minaltrato ng yaya, tepok

April 22, 2022 @ 7:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang paslit na babae matapos pagpapaluin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at inuntog ang ulo nito sa pader ng kanyang yaya kahapon sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni Holy Spirit Station 14 (PS14) commander Police Lt.Col. Jeffrey Bilaro ang suspek na si Rowena Norodin Daud,  37-anyos, may asawa,  tubong Isabela City, Basilan, Mindanao at stay-in yaya sa tahanan ng biktima sa Barangay Culiat, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PSSG Arvien P Tangan ng  PS 14 ng Quezon City Police District (QCPD), pasado 3:00 ng hapon (April 21), nang maganap ang insidente sa  tahanan ng paslit.

Pinapaalagaan ni Risma Sarahanga ang kanyang anak kay Daud dahil nagtatrabaho siya bilang domestic helper sa ibang bansa.

Nadiskubre lamang ang ginagawang pagmamaltrato ng suspek sa bata nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa security personnel ng  New Era Hospital kaugnay sa pasyente na mismong ang  yaya pa ang nagdala.

Pagdating ng mga pulis sa ospital ay nakita pang isinasalba ng mga attending physician ang buhay ng bata pero kinalaunan ay binawian din ito ng buhay.

Ang biktima ay nakitaan ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at sugat sa ulo na sinasabing posibleng inuntog ng kaniyang yaya sa pader.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong murder at paglabag sa  RA 7610. Jan Sinocruz