Baby Shark Dance, naka-10 billion views na sa YouTube!

Baby Shark Dance, naka-10 billion views na sa YouTube!

January 15, 2022 @ 2:45 PM 7 months ago


Seoul, South Korea – Napakagandang kapalaran pala ‘pag nagustuhan ng mga bata ang isang music video.

Hindi milyon lang, kundi bilyon na ang views ng Baby Shark Dance sa YouTube. Sampung bilyon na mula nu’ng 2016.

Ang ”Baby Shark Dance” ang music video na siya umanong kauna-unahang musika na umabot sa 10 billion ang views sa YouTube nu’ng January 13.

Bagama’t hindi South Korean music ang Baby Shark Dance, ang music video na gawa ng Korean company na Pink Fong ang sumikat sa  buong mundo kahit na may nag-release ng kanta sa Amerika nu’ng 1975 pagkatapos sumikat ng pelikulang “Jaws” at nu’ng 2007 sa Germany (at nasa wikang Aleman ‘yon).

Nu’ng 2015 pa ni-release ng Pink Fong ang music video pero nu’ng 2016 ito ipinasok ng Pink Fong sa YouTube na tungkol sa isa-isang pagtakas ng mga miyembro ng isang pamilya sa mga nanghuhuli sa kanila. Ang baby shark ang magsisimulang kumanta ng linyang: “Baby shark doo doo doo doo doo.” ‘Pag ang grandfather shark na, magsisimula siya sa  salitang “Grandpa.”

Dahil nakaligtas silang lahat, ang second to the last na linya ng chorus nila ay: “It’s safe now…doo…” na susundan ng “This is the end, doo, doo….”

Iba’t ibang singer ang kumakanta at hindi lahat ay South Korean. May Amerikano at may Asians. Walang naulat na may isa man sa kanila ay sikat na bago nag-record para sa “Baby Shark Dance.”

Naungusan na ng Baby Shark Dance ang “Despacito” nina Luis Fonsi at Daddy Yankee nu’ng  November 2020 pa.

Sa ngayon ay lamang ang “Baby Shark Dance” nang 2.3 billion sa “Despacito.” Danny Vibas