Back-up air traffic management system sa Cebu, inihirit ni JV

Back-up air traffic management system sa Cebu, inihirit ni JV

January 16, 2023 @ 12:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senator JV Ejercito nitong Lunes ang paglalagay ng air traffic management system sa Cebu na magsisilbing back-up mechanism sakaling maulit ang insidente ng technical malfunction.

“Kailangan dito sa air traffic management system may tinatawag na redundancy. Kumbaga, dalawang system dapat ‘yan parehong sabay na nag-ooperate,” ani Ejercito.

“Halimbawa, isa sa [Ninoy Aquino International Airport] sa Manila, yung isa, halimbawa, nasa Cebu para kung sakaling mag-fail– just like what happened dito sa atin nung January 1 na nag-fail ‘yung buong system– kaya pong saluhin ng second system at siya po ay gumagawana rin,” dagdag niya.

Si Ejercito ang vice chairperson ng Senate public services committee.

Sinabi ni Ejercito na matatagalan ang paglalagay ng air traffic management system. Kaya naman, makaaapekto ito sa flights papasok at palabas ng bansa.

“It will take time to start up a system… Kailangan po redundant, dalawa po silang tumatakbo at the same time,” pahayag niya.

Nagkaroon ng aberya sa Philippine airspace effectively noong Bagong Taon dahil sa technical issues sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) ng CAAP.

Hindi bababa sa 282 flights nakansela, nalihis, o naantala habang halos 56,000 pasahero sa NAIA ang naapektuhan. RNT/SA