Bading isinelda sa pagnanakaw ng mga Tang

Bading isinelda sa pagnanakaw ng mga Tang

December 4, 2022 @ 1:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa kulungan ang bagsak ng isang bakla matapos mahuling nanikwat ng mga Tang juice sa loob ng isang supermarket sa Malabon City.

Nahaharap sa kasong Theft (Shoplifting) ang naarestong suspek na kinilala bilang si Ronnel Torremonia, 32, at residente ng No. 127-68 Dulong Bronze Street, Barangay Acacia, Malabon City.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Rocky Pagindas, dakong alas-11:25 ng umaga, kumuha ang suspek ng mga tang juice sa loob ng isang supermart na matatagpuan sa No. 38 Gov. Pascual Avenue, Barangay Acacia at isinilid sa isang sako bag.

Lingid sa kanyang kaalaman, pinagmamasdan ng security guard ng supermart ang mga galaw niya at napansin nito na itinago ng suspek ang mga kinuhang juice sa pagitan ng mga paa niya.

Nang suriin ay tumanggi at tumakbo ang suspek sa loob ng premises at nakita ng sekyu na kinuha ang mga ninakaw niya sa loob ng kanyang palda saka inilagay sa ilalim ng merchandise stool.

Nang i-verify ay napag-alaman na hindi pa nabayaran ang nasabing mga item kaya ipinaalam sa may-ari ang insidente na nagpasyang ipahuli sa mga awtoridad ang suspek at nabawi sa kanya ang isang sako bag, 96 pirasong tang orange, dalandan at pineapple Juice na aabot sa Php1,651.20 ang halaga. Boysan Buenaventura