Badoy pinagkokomento ng SC sa contempt petition

Badoy pinagkokomento ng SC sa contempt petition

October 19, 2022 @ 11:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinagkokomento ng Korte Suprema si Lorraine Badoy kaugnay ng indirect contempt petition na inihain laban sa kanya dahil sa malisyosong Facebook post laban sa isang husgado.

Sa isang court en banc resolution na inilabas nitong Martes, Oktubre 18, binigyan ng non-extendible na 15 araw si Badoy para magkomento tungkol dito.

Ang resolusyon ay may petsang Oktubre 11, 2022.

Matatandaan ngayong buwan din ay naghain ng petisyon ang grupo ng mga abugado at mga dean ng law school sa Supreme Court laban kay Badoy dahil sa pahayag nitong idinirekta kay Manila RTC judge Marlo Magdoza-Malagar.

Pinangunahan nina dating Philippine Bar Association head Rico Domingo at Ateneo Human Rights Center executive director Ray Paolo Santiago kasama ang mga tagasuporta at iba’t ibang grupo.

Matatandaan kamakailan ay naglabas ng pahayag si Badoy laban kay Magdoza-Malagar dahil sa desisyon na ibasura ang petisyon ng pamahalaan upang ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Naglabas din ng isang hypothetical scenario si Badoy ng pagpatay sa husgado dahil sa paniniwalang politikal.

Kumalat ito sa social media na kagyat ding binura.

Matatandaan kinondena ito ng iba’t ibang grupo kabilang na ang Korte Suprema mismo.

Kaugnay ng indirect contempt petition, sa 38-pahina nito ay maaaring makulong ng aabot sa anim na buwan si Badoy at multa na aabot sa P30,000.

Itinanggi naman nito na pinagbantaan niya ang buhay ni Magdoza-Malagar. RNT/JGC