Badyet ng DAR lusot na sa Senate plenary

Badyet ng DAR lusot na sa Senate plenary

November 17, 2022 @ 8:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng plenaryo ng Senado ang proposed P14.39 bilyon na budget ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 2023.

Sa deliberasyon ng Senado nitong Miyerkules, Nobyembre 16, tanging si Senador Risa Hontiveros ang nagtanong kay Senador Cynthia Villar na siyang sponsor sa budget ng ahensya.

Kabilang sa mga tinanong ni Hontiveros sa DAR ay kung ilan na ang mga nabusisi na landholdings ng ahensya na tinugunan naman ni Villar at sinabing nasa 29,000 ektarya na ang sumailalim sa review.

Matatandaan na nasa 173,000 ektarya ng lupain ang nakatakdang ipamahagi sa mga magsasaka.

Samantala, inirekomenda naman ni Hontiveros sa DAR na magsagawa ng land review sa mga landholdings na may malalaking backlogs.

Ani Villar, may nakatakda nang review ang DAR katuwang civil society sa Negros Occidental.

Sa pagtaya naman ng DAR, posibleng maipamahagi na ang 173,000 ektarya ng lupain hanggang sa pagtatapos ng 2025.

“Okay na okay po ‘yun na by midterm, ma-distribute ‘yung current workable balance na 173,000. Umuusad na po tayo patungo kung 500,000 plus pa ang talagang balance natin,” anang ahensya.

Ibinahagi naman ni Hontiveros na noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay masyadong naging mabagal ang pamamahagi ng lupain na nasa 25,000 ektarya lamang kada taon. RNT/JGC