Badyet ng DENR target tapyasan ng P2B, ililipat ni Tulfo sa Children Hospital

Badyet ng DENR target tapyasan ng P2B, ililipat ni Tulfo sa Children Hospital

November 22, 2022 @ 8:41 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iminungkahing tapyasan ng P2 bilyon ang kabuuang badyet ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) saka ilipat ang pondo sa National Children Hospital (NCH) na sira-sira ang mga gusali at kapos sa kagamitan.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na gusto niyang bawasan ang P12 bilyong alokasyon sa Office of the DENR Secretary upang mailipat ito sa NCH sa period of amendments sa deliberasyon ng 2023 national budget.

“Pagdating po sa period of amendments, I will request na bawasan po ang budget ng DENR na meron pong P12 billion ang Office of the Secretary. At P2 billion doon ay akin pong ilalakad at ilalaban na mai-transfer po sa National Children’s Hospital na mas nangagailangn ng tulong,” aniya sa kanyang privilege speech.

Tinapos ng Senado ang floor deliberasyon ng P5.268 trilyong national budget para sa 2023 nitong nakaraang linggo, at nakatakda nang isalang ito sa period of amendments.

“Inulit ko po, ipaglalaban ko po na bawasan ang budget ng DENR na para sa akin ay maraming pagkukulang…” aniya.

Partikular na tinukoy ni Tulfo ang ilang opisyal ng DENR na nakikipagsabwatan sa illegal miners sa matagal nang panahon.

“So P2 billion po ang dapat mabawas sa DENR at ‘yan po ay mai-transfer sa National Children’s Hospital na mas nangangailangan po ng tulong dahil dito po ‘yung mga inonsenteng anghel na dapat nating matulungan sa perang ‘yan,” aniya.

Sinabi ni Tulfo na sanhi ng kawalan ng tauhan o professional, tumatagal nang tatlong taon ang hinihintay ng isang pasyente upang makakuha ng therapist.

“Three years, tatlong taon. Isa pong buong cycle po ‘yan ng Kongreso. Tatlong taon maghintay ang isang pasyente bago ho s’ya makatikim ng therapy dito po sa National Children’s Hospital,” giit ni Tulfo.

Sinabi pa ni Tulfo na lubhang napakasikip ng treatment room ng ospital kaya pinapayuhan ang magulang na ituloy ang therapy ng mga bata sa kanilang bahay sa halip na dalhin dalawa o tatlong beses isang linggo.

“Kung nakikita ‘nyo po ‘yan, halos kalahati lang po ‘yan ng public CR po natin sa Senado,” himutok ni Tulfo sabay pakita ng therapy room ng ospital.

Hindi rin saat ang pasilidad ng pagamutan bukod sa kulang ang tauhan.

“The building is dilapidated. Ang mga pantakip nila sa bintana ay plywood, basag-basag po ‘yung mga bintana at plywood po ang pantakip. Pwedeng pasukin ng alikabok, usok at lamok, at napakainit po ng mga kwarto, walang tamang ventilation. Imbes na gumaling ang mga bata, mas lalo pa silang magkakasakit,” ani Tulfo.

Nanawagan din si Tulfo sa kasamahan na suportahan ang kanyang adbokasiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng supplemental budget sa NCH. Ernie Reyes