Badyet ng DPWH pinatataasan

Badyet ng DPWH pinatataasan

September 21, 2022 @ 11:10 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Upang makalikha pa ng mas maraming trabaho lalo na sa mga liblib na lugar, iminungkahi ni Basilan Rep. Mujiv Hataman na taasan ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang pahayag ay ginawa ni Hataman kasunud ng malaking tapyas sa budget ng DPWH para sa susunud na taon, aniya, tiyak na makakaapekto ang bawas budget na ito lalo sa employment.

Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) ay P717.31B ang budget ng DPWH, mababa ito ng 8.7% mula sa P785.24B noong 2022.

“Alam natin yung infrastructure sa DPWH, madaling maglikha ng trabaho sa distrito, sa munisipyo at sa probinsya. Malaking bilang ng trabaho din ang nabawas sa ating kababayan dahil sa malaking slash ng budget ng DPWH,” pahayag ni Hataman.

Sinabi ni Hataman na malinaw na sa pagbuo ng 2023 national budget ay prayoridad ang economic recovery gayunpaman tila taliwas ito sa naging pagpopondo sa DPWH dahil binawasan ito.

“Binabanggit na yung infrastructure ay multiplier and engine ng ating economy, pero bakit dito sa NEP 2023 nagkaroon ng PHP68.4 billion slash sa budget ng DPWH? So ang ibig sabihin ba nito, malaki-laki din ang nabawas sa GDP contribution ng infrastructure natin,” pagtatanong ni Hataman kay Marikina Rep. Stella Quimbo na syang sponsor ng DPWH budget sa Kamara.

Bilang tugon sinabi ni Quimbo na hindi lamang sa DPWH nakatuon ang mga programa para sa infrastracture bagkus mayroon din ang ibang ahensya, sa katunayan ay nasa P1.019-trillion ang infrastracture projects ng pamahalaan para sa 2023 na kalat sa ibat ibang ahensya maliban sa DPWH.

Ani Quimbo nakadepende sa Development Budget Coordination Committee ang naging pagpopondo sa DPWH gayunpapaman para sa kanya ay suportado nya ang panawagan ni Hataman na palakasin pa ang infrastracture spending.

“Kasi katulad naming malalayong lugar na napag-iwanan dahil sa mga gulo ng nakaraan at ngayon lang medyo natahimik, talagang napakahalaga ng infrastructure,” pagtatapos pa ni Hataman kung saan umaasa syang ikokonsidera ng Kongreso ang pagtaas sa DPWH budget para sa susunud na taon. Gail Mendoza