Badyet ng NBI pinadadagdagan

Badyet ng NBI pinadadagdagan

September 26, 2022 @ 5:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinadadagdagan ni Senator Sherwin Gatchalian ang proposed 2023 budget para sa National Bureau of Investigation upang paigtingin pa ang laban kontra cybercrime sa bansa.

Sa isang statement, nagpahayag ng pagkabahala si Gatchalian laban sa desisyon ng executive department na tapyasan at gawing P1.8 bilyon ang pondo ng NBI sa 2023 National Expenditure Program (NEP) na ipinasa sa Kongreso mula sa P2.3 bilyon pondo ngayong taon.

Ani Gatchalian, halos 20% ang nakaltas sa 2023 budget ng anti-cybercrime unit na P21.2 milyon mula sa P26.4 milyon laan ngayong 2022.

Dahil dito, posibleng makaapekto ito sa operasyon ng NBI lalo pa sa panahon na mas kailangan-kailangan ito dahil sa talamak na mga iligal na aktibidad tulad ng spam at phishing messages.

“Cybercrimes are flourishing in many territories including the Philippines. I would like to see that the NBI is fully equipped and has the necessary resources, especially in its fight against cybercrimes,” ani Gatchalian.

“We will do our best to reinstate the amount that was cut in the budget proposal…Kailangan nating magbigay ng nararapat na suporta sa NBI upang mapigilan at matunton ang mga kawatan na lalo pang nagiging sopistikado na ngayon. Kung nais nating paigtingin ng ahensiya ang pagpuksa sa cybercrimes, ibigay natin ang lahat ng nararapat na suporta dito,” pagdidiin niya. RNT/JGC