Badyet ng NTF-ELCAC tinapyasan sa poor performance – Hontiveros

Badyet ng NTF-ELCAC tinapyasan sa poor performance – Hontiveros

December 2, 2022 @ 3:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sanhi ng hindi maayos ng trabaho o ‘poor performance’ ang dahilan kung bakit tinapyasan ng Senado ang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Disyembre 2 kung saan ay nasa 2% lamang ng mga proyekto nito mula sa budget noong nakaraang taon ang nasimulan ng ahensya.

“Pagdating sa budget, simple lang: kapag pangit ang performance, babawasan ang pondo, at ibibigay ang pera sa tunay na nangangailangan,” saad ni Hontiveros.

Dagdag pa niya, dapat ay patunayan muna ng NTF-ELCAC ang mga nagawa nito at mapatunayan na ginagampanan ang trabaho.

“Bilang taga-bantay ng kaban ng bayan, uunahin din dapat nating bigyan ng tulong at pondo ang basic services, major health programs, ayuda para sa mga nabiktima ng kalamidad, at pantawid ng mga pinadapa ng matinding kahirapan,” sinabi pa ng Senadora.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni House appropriations panel chairman at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na plano ng House bicameral committee na ibalik ang budget ng NTF-ELCAC kasabay ng pagkilala na talagang ‘underperform’ ang ginagawa ng ahensya.

“After all, this is one of the key priorities of President Ferdinand R. Marcos, Jr., which was clearly outlined in the National Expenditure Program the administration sent to Congress,” ani Co. RNT/JGC