Badyet ng PAO, dadagdagan ni Tulfo para mas maraming libreng abogado

Badyet ng PAO, dadagdagan ni Tulfo para mas maraming libreng abogado

August 4, 2022 @ 1:53 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Idol Raffy Tulfo ang pangangailangan ng gobyerno na palakasin ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pamamagitan ng pagdadagdag ng budget at abogado ng ahensya.

Sa courtesy visit ni PAO Chief Persida Acosta sa opisina ng Senador kahapon, sinabi ni Tulfo na makikipagtulungan siya sa ahensya para mas epektibo itong makapagbigay-serbisyo sa mga Pilipino.

“Gagawin natin ang ating makakaya para madagdagan ang budget ng PAO. Kahit ano man ang matutulong ng tanggapan ko, gagawin natin,” saad ng Senador.

“Napapansin ko ngayon sa PAO ay walang tumatagal. Kukuha lang ng experience, tapos lumilipat na. Kasi overwhelmed sa trabaho. Dapat for every court, mayroong enough PAO,” dagdag niya.

Ayon kay Acosta, hindi sapat ang kasalukuyang 2,400 abogado sa buong bansa sa ilalim ng PAO.

“Overworked sila. After five years, nagfifiscal na sila or nagjajudge. Lumilipat kasi napapagod,” aniya Acosta.

Kahit kulang sa bilang, sinabi ni Tulfo na umaasa siyang masisiguro pa rin ng PAO na matatrato ng tama at mabibigyan ng hustisya ang lahat ng nangangailangan ng tulong ng ahensya.

“Hanggang kaya, sana ay mayroong enough assistance ang indigent parties pagdating sa inquest level. kasi kung minsan yung Fiscal, nagdedecide din basta-basta na kulang sa ebidensya,” ani Tulfo.

“Kasi meron akong natanggap na kaso noon, hindi ko makakalimutan’ yun. Bodegero siya, pinagbintangan siyang nagnakaw, wala namang ebidensya na siya’y talagang nagnakaw. Base lamang sa sabi ng isang kasamahan nyang bodegero din na umalis na. Tinuluyan siya,” dagdag niya.

Gayunpaman, pinasalamatan ni Sen. Idol si Acosta sa mabilis na pagkilos ng PAO sa ilang kaso na ni-refer nila sa ahensya mula sa programang “Wanted sa Radyo.” Ernie Reyes