Bagger malubha sa pamamaril sa Malabon

Bagger malubha sa pamamaril sa Malabon

January 17, 2022 @ 1:02 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang 33-anyos na bagger makaraang barilin ng hindi pa kilalang lalaki habang nakaupo sa nakaparadang tricycle Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng kanyang kasamahan sa trabaho na nakasaksi sa pangyayari ang biktimang si Mark Anthony Roque, residente ng Block 5 Lot 16, Brgy. Longos sa Tondo Medical Center kung saan isinailalim siya sa operasyon sanhi ng isang tama ng bala sa dibdib.

Lumabas sa pagsisiyasat nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/SSgt. Mardelio Osting ng homicide section ng Malabon police na nakaupo sa nakaparadang tricycle sa harap ng Ginto Tube Ice sa Lot 5 Block 16, Brgy. Longos si Roque at naglalaro sa kanyang cellular phone nang lapitan ng suspek na nakasuot ng itim na jacket at tinanong kung nakarinig na siya ng putok ng baril.

Nang tumugon ang biktima na nakarinig na siya, biglang binunot ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang suspek at pinaputukan si Roque na tumama sa kanyang dibdib.

Kitang-kita naman ng testigong si Benjamin Dorongon, 27, kasamahan sa trabaho ng biktima, ang pangyayari kaya’t kaagad niyang isinugod sa pagamutan ang biktima.

Iniutos na ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang pagtugis sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril. (Boysan Buenaventura)