Bago sibakin: PDU30, hihintayin muna ang report ng MWSS

Bago sibakin: PDU30, hihintayin muna ang report ng MWSS

March 22, 2019 @ 7:10 AM 3 years ago


Manila. Philippines – Hihintayin muna ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isusumiteng report ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) officials sa Abril 10 para magpasya bago mag-Abril 15 kung sisibakin o hindi ang mga opisyal dahil sa nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila.

Sa isang panayam sa Pangulo sa 122nd Founding Anniversary rites ng Philippine Army sa Taguig City ay sinabi niya na hindi muna aniya siya magbibigay ng anumang pahayag o maagang paghuhusga dahil nais niyang malaman kung ano talaga ang nangyari at kung sino ang responsable sa naranasang perwisyo ng maraming water consumers.

Bukod dito, nais ding malaman ni Pangulong Duterte kung may naging kapabayaan ang MWSS o ito ay bagay na hindi nila kontrolado o mas malalim pang dahilan kaya kinapos sa suplay ng tubig ang Manila Water.

Nito lamang Martes ng gabi, Marso 19 ay sinabon ng Pangulo ang mga opisyal ng MWSS, Maynilad at Manila Water kaugnay sa naranasang krisis sa supply ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila.

Sa pulong na tumagal ng 40 minuto, pinagsabihan ng Pangulo ang mga opisyal na ipinatawag na umayos ang mga ito sa kanilang trabaho kung ayaw ng mga ito na masibak sa puwesto lalo na ang mga taga-MWSS.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi itinago ng Presidente ang galit dahil hindi ginawa ng mga ito ang kanilang trabaho, at ang inintindi lang ay ang kikitain kahit pa magdusa ang publiko.

“They simply did not do their job. All they care about is get profit from the water of the people and to their sufferance as well. The Chief Executive bluntly told them to shape up or ship out!,” “ani Panelo.

Hindi rin aniya pinakinggan ng Pangulo ang paliwanag ng mga opisyal dahil puro alibi lang ang mga ito at nagbantang ipapatigil ang kontrata ng Manila Water at Maynilad.

Sinabi pa aniya ng Pangulo na dapat alam ng MWSS officials, Maynilad at Manila Water na magkakaroon ng water shortage at agad nakapaghanda pero kinailangan pang magbanta ito bago kumilos para lutasin ang problema sa krisis sa tubig.

“In a stern message delivered without even once looking at the officials, the obviously outraged President threatened to fire the MWSS officials and terminate the concessionaires’ contracts,” dagdag pa ni Panelo.

Inatasan ng Presidente ang mga opisyal na magsumite ng report bago dumating ang April 7 kung saan magdedesisyon ito kung sisibakin ang mga ito sa puwesto o i-terminate ang kontrata ng dalawang water concessionaires./Kris Jose