Bagong alituntunin sa pagsuspinde ng klase sa kalamidad, alamin!

Bagong alituntunin sa pagsuspinde ng klase sa kalamidad, alamin!

September 2, 2022 @ 6:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Awtomatikong suspendido na agad ang klase sa lahat ng antas sa basic education, online at in-person sa lahat ng mga lugar na mayroong deklarasyon ng “typhoon, flood o rainfall warning” na ipinalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ito ang nakasaad sa binagong guidelines na ipinalabas ng DepEd hinggil sa kanselasyon o suspensyon ng klase at trabaho sa eskuwelahan pagdating ng bagyo, matindi at malakas na pag-ulan at pagbaha.

Sa panahon na may bagyo, ang in-person at online classes sa lahat ng antas ay awtomatikong kanselado sa mga eskuwelahan na ang Local Government Units (LGUs) ay may Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2, 3, 4 o 5 ng PAGASA.

Kung ang TCWS ay ipinalabas sa panahon na ang klase ay nagsimula na, dapat na agad na suspendihin ng eskuwelahan ang klase at trabaho at kaagad na pauuwin ang lahat sa kanilang tahanan, kung ligtas itong gawin. Gayunman, obligado naman ang eskuwelahan na panatilihing ligtas ang mga estudyante at mga tauhan nito sa loob ng eskuwelahan kung ang pagbi-byahe ay hindi na ligtas.

Ang Local Chief Executive naman ang magdedesisyon ng kanselasyon o suspensyon ng klase sa mga pagkakataon naman na malakas ang ihip ng hangin sa partikular o lahat ng lugar ng LGU subalit hindi dahil sa mayroong bagyo.

Para naman sa heavy rainfall o matinding buhos at malakas na pag-ulan, ang in-person o online classes sa lahat ng antas ay awtomatikong kanselado sa mga eskulwahan na matatagpuan sa LGUs na may ipinalabas na Yellow, Orange at Red Rainfall Warning ng PAGASA.

Kung ang Warning ay ipinalabas sa panahon na ang klase ay nagsimula na, awtomatikong susupendihin ng eskuwelahan ang klase at trabaho at kaagad na pauwiin ang mga estudyante at tauhan ng mga ito sa kanilang bahay, kung ito’y ligtas pa rin na gawin.

Gayunman, ang mga eskuwelahan ay obligado na panatilihing ligtas ang mga estudyante at tauhan nito sa loob ng eskuwelahan kung ang pagbyahe ay hindi na ligtas.

Ang Local Chief Executive pa rin ang magdedesisyon ng kanselasyon o suspensyon ng klase sa pagkakataon na mayroong “torrential rains” sa partikular o lahat ng lugar ng LGUs subalit walang ipinalabas na Heavy Rainfall Alert mula sa PAGASA.

Habang sa panahon naman ng pagbaha, ang in-person at online classes sa lahat ng antas ay awtomationg kanselado sa mga eskuwelahan sa LGUs na mayroong ipinalabas na Flood Warning ang PAGASA.

Kung ang Flood Warning ay ipinalabas sa panahon na ang klase ay nagsimula na, kaagad na sususpendihin ng eskuwelahan ang klase at trabaho at kaagad na pauuwin ang lahat sa kanilang tahanan, kung ligtas na gawin ito.

Gayunman, obligado naman ang mga eskuwelahan na panatilihing ligtas ang mga estudyante at tauhan sa loob ng eskuwelahan kung ang pagbyahe ay hindi na ligtas. Kris Jose