Bagong ambassador ng Mongolia, Mauritania, nag-courtesy call kay PBBM

Bagong ambassador ng Mongolia, Mauritania, nag-courtesy call kay PBBM

December 6, 2022 @ 2:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nananalig si Pangulong Ferdinand R Marcos Jr na mas lalakas pa ang relasyon ng Pilipinas sa Mongolia at Mauritania.

Kasunod ito ng ginawang courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang nina Mauritania Ambassador Samba Mamadou at ni Mongolian Ambassador to the Philippines Enkhbayar Sosorbaram.

Sa pagharap ng Pangulo sa dalawang bagong Ambassador sa Malakanyang, inihayag ng Chief Executive ang Ilang “areas of cooperation” na maaaring maging sentro ng two-way exchanges ng Pilipinas sa Mongolia at Mauritania.

Sa kanilang paghaharap ay sinabi ni Pangulong Marcos sa Mauritania ambassador na mayroon silang listahan ng mga negosyanteng Pinoy na maaaring maglagak ng investment sa Mauritania.

Sa kabilang banda, umaasa naman si Ambassador Mamadou na makakapulong niya ang mga negosyanteng Pinoy at maplantsa ang ilang oportunidad para naman matalakay sa mga ito ang mga oportunidad sa kanilang bansa.

Samantala, inilahad naman ng Punong Ehekutibo kay Ambassador Sosorbaram ng Mongolia ang mga prayoridad ng bansa na may kinalaman sa agriculture, energy, education na dito ay puwede aniyang magkaroon ng kooperasyon ang Pilipinas at ang Mongolia.

Gayundin, inimbitahan si Pangulong Marcos ng Pangulo ng Mongolia para bumisita sa kanilang bansa.

Ang imbitasyon ay personal na ipinaabot ni Mongolian Ambassador to the Philippines Enkhbayar Sosorbaram kay Pangulong Marcos sa kanilang pagkikita sa Malakanyang.

Dalawang buwan ang inilatag ng Mongolian Ambassador to the Philippines na maaaring makabisita si Pangulong Marcos sa Mongolia.

Kung hindi aniya Hunyo ng susunod na taon ay sa Agosto magandang bumisita si Pangulong Marcos gayung maganda ang panahon.

Nagsimula ang diplomatic relations ng Pilipinas at ng Mongolia noong 1973 at nakatakdang ipagdiwang ang 50th anniversary ng kanilang diplomatic ties sa susunod na taon. Kris Jose