Bagong batas para sa kumpensasyon sa Martial Law victims inihain sa Kamara

Bagong batas para sa kumpensasyon sa Martial Law victims inihain sa Kamara

January 12, 2023 @ 8:58 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa katwirang hindi pa lahat ng mga biktima ng martial law abuse ang nabigyan ng kumpensasyon, isang panukalang batas ang muling inihain ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na humihinging na bigyan ng monetary at non-monetary aid ang mga biktima ng human rights violations noong 1972 hnggang 1986.

Sa ilalim ng House Bill 3505 or New Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2022 ay isinisulong nito na pondohan ng P10 billion ang ibibigay na kumpensasyon sa mga biktima na kukuhain naman sa ill-gotten wealth sa Swiss deposits ng pamilya Macos na una nang binawi ng Korte Suprema pabor sa gobyerno sa naging desisyon nito noong July 15, 2003.

Matatandaan na ang nasabing P10 billion ay inilaan na para sa pagpapatupad ng Republic Act 10368, or the Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 gayunpaman sinabi ni Manuel na hindi lahat ng mga human rights victims ay nakatanggap ng kanilang kumpensasyon.

“the 2013 law hardly covered the victims mainly because the Claims Board, which was only in tenure until May 2018, denied a lot of claim applications based on technicalities that would be remedied by the new law. The 2013 law compensated around 11,000 victims, but human rights organizations list the number of human rights victims during the Martial Law regime at around 70,000″paliwanag ni Manuel.

Umaasa si Manuel na sa pamamagitan ng bagong panukalang kanilang inihain ay mahahabol na mabigyan ng danyos ang iba pang mga biktima.

“Responsibilidad ng gobyerno na protektahan at bigyang kompensasyon ang lahat ng victim-survivors ng Martial Law ni Marcos Sr. bilang pagtaguyod ng katotohanan at katarungan. Isusulong natin sa Kongreso ang House Bill 3505 para higit na tiyakin ito,” pahayag nito.

Samantala, kinondena naman ng Makabayan Bloc ang pagbababanta sa human rights survivor na si Bonifacio Ilagan, si Ilagan na convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law ay nakatanggap ng tawag noong nakarang Linggo sa isang nagpakilalang “kumander” kung saan nagbanta ito na kanila na lamang hinihintay ang utos para dakpin ito.

Sinabi ni Manuel na hindi dapat isantabi ang nasabing pangyayari na malinaw na pagbabanta sa buhay ni Bonifacio.

“Binigyang-daan ng walang habas na kampanyang disimpormasyon at pagbansag sa mamamayang lumalaban bilang mga terorista itong death threat kay Ka Boni. Hindi dapat hayaan ang ganitong mga banta. Dapat ipagdiwang at pagpugayan natin ang kabayanihan ng mga nakibaka sa Martial Law. Ang kalayaan at demokrasya natin ngayon ay bunga rin ng sakripisyo,” pagtatapos pa ni Manuel.

Ang nasabing insidente ay kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Commission on Human Rights. Gail Mendoza