Bagong benepisyo apektado ng premium rate hike suspension-PhilHealth

Bagong benepisyo apektado ng premium rate hike suspension-PhilHealth

January 4, 2023 @ 10:16 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – MAGKAKAROON ng adjustments sa deployment ng mga bagong benepisyo na nakatakdang ipatupad ngayong taon kasunod ng suspensyon sa pagtataas sa premium rates ayon sa Philippine Health Insurance Corp.

Ani PhilHealth spokesman Rey Baleña, hindi makaaapekto sa kanilang operasyon ang suspensyon ng premium rate hike at pagtataas sa income ceiling sa P90,000.

“Ang mga bagong benepisyo lamang po ang maaaring magkaroon ng adjustment deployment pero doon sa mga current benefits natin wala pong magiging pagbabago,” ani Baleña.

Kamakalawa ay ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagsuspinde sa premium hike ng Philhealth na nakaamba ngayong taon.

Ang hakbang ay ginawa ng Pangulo upang mabigyan ng financial relief ang mga empleyado sa gitna na rin ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Nasa .5 percent ang magiging dagdag sana sa kontribusyon sa PhilHealth mula sa kasalukuyang 4 percent o magiging 4.5 percent simula ngayong buwan.

Nangangahulugan na kung ang sahod ng manggagawa ay P10,000, magiging P450 na ang hulog nito mula sa kasalukuyang P400.

Kung mas mataas sa P10,000 hanggang mababa sa P80,000 ang sahod ng manggagawa, papalo sa P850 o magiging P50 ang dagdag-kontribusyon ng mga miyembro ng state insurer.

Una nang ipinaliwanag ng PhilHealth na ikakasa ang premium hike upang mapahusay ang benepisyong natatanggap ng mga miyembro, alinsunod na rin sa Universal Health Care Act. Kris Jose