Bagong compound para sa mas mabisang antibiotics, nadiskubre ng Pinoy scientist

Bagong compound para sa mas mabisang antibiotics, nadiskubre ng Pinoy scientist

February 28, 2023 @ 6:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nadiskubre ng isang Filipino scientist sa Iloilo City ang isang antimicrobial compound na maaaring gamitin bilang potensyal na beta-lactamase inhibitors para makalikha ng bagong antibiotics.

“Ang compund po na aming natuklasan ay isang potential beta-lactamase inhibitor, ito yung hinahalo sa mga mura at mahihinang antibiotics para maging mabisa ito laban sa infection,” pahayag ng scientist na si Dr. Julius Adam Lopez.

Pinangunahan ni Dr. Lopez ang University of San Agustin sa paghawak sa nuclear magnetic resonance (NMR) technology ng Filipino researchers sa Visayas at Mindanao.

“Ang kinaibahan po ng aming compound na aming natuklasan ay ang istraktura po ito, ito po ay iba sa mga existing na beta-lactamase inhibitor sa merkado, ibig sabihin po ito po ay maaring isang bagong gamot,” paglalahad niya.

Ibinahagi rin niya na nadiskubre niya ito ngayong Pebrero bilang parte ng Philippine Marine (PHILMARINE) – beta-lactamase inhibitor (BLI), na inisponsoran ng Department of Science and Technology (DOST) at National Research Council of the Philippines (NRCP).

“Kung mapapatunayan po natin sa pamamagitan ng mga susunod pang experimento na mabisa ito, hindi lang po Pilipinas ang makikinabang kundi ang buong mundo,” aniya.

“Kung magiging matagumpay po kami sa bagong gamot na ito, kakailanganin po namin ang tulong ng local pharmaceutical industry para sa mga malakihang production ng gamot. Kung map-produce po dito sa Pilipinas, asahan natin na affordable po ito sa ating mga kababayan at hindi na po natin kailangang maghintay pa ng supply mula sa isang bansa,” dagdag niya.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na nilalayon nito na makahanap ng mga paraan at lumikha ng mga programa para hindi magsialisan ang Filipino scientists stay sa bansa.

Isa rito ang Balik Scientist Program, na naghihikayat sa Filipino scientists, technologists, at mga eksperto na bumalik sa bansa at ibahagi ang kanilang husay sa pagsusulong ng scientific, agro-industrial, at economic development. RNT/SA