Bagong COVID alert system ipatutupad na

Bagong COVID alert system ipatutupad na

November 1, 2022 @ 8:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Simula ngayong araw, Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 15 ay magpapatupad na ang Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng gobyerno ng bagong “COVID-19 Alert Level System (ALS) classification” na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Iklinasipika sa bagong sistema ang mga probinsya, “highly urbanized cities (HUCs)” at “independent component cities (ICCs)” base sa banta ng COVID-19.

Sa nasabing sistema natukoy na 89 o 74% ng 121 probinsya, HUCs at ICCs, maging 192 o 29% ng 669 na iba pang siyudad at munisipalidad ang nasa ilalim ng Alert Level 1.

Nasa ilalim naman ng Alert Level 2 ang 32 probinsya, HUCs at ICCs .

“This means that our key indicators, such as the healthcare utilization rate (HCUR), are showing improvements. We attribute this development to every Filipino who continues to cooperate with our COVID-19 response,” sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Singh-Vergeire.

“But while we see a continuous decline in case and admission trends, we must remember that deescalation does not mean that the battle with COVID-19 is already over. These current numbers are not permanent; we must all work together to maintain these low numbers,” dagdag niya.

Sa kabila nito, muling nanawagan ang Kagawaran sa publiko at sa lokal na pamahalaan ng dagdag na responsibilidad at pangangalaga sa sarili lalo na at papalapit muli ang Kapaskuhan kasunod ng pagluluwag ng pamahalaan sa polisiya sa pagsusuot ng face mask sa labas at loob ng mga establisimiyento.

“Ngayong patuloy nating tinatanggal ang ating mga restrictions upang makatulong sa ating ekonomiya, mas lumalaki ang responsibilidad ng ating mga lokal na pamahalaan na siguruhing mananatiling mababa ang mga kaso sa kanilang mga lugar, lalo na ngayong Undas at paparating na Pasko kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao,” pahayag pa ng opisyal.

“Kaya naman, kami po ay nananawagan sa ating mga LGU na paigtingin ang implementasyon ng ating mga estratehiya at polisiya laban sa COVID-19 at iba pang mga sakit–tulad ng pagbabakuna, pag-isolate kapag may sakit, pag-distansya, at bentilasyon–lalo na ngayong nagluwag na tayo ng ating masking mandates,” ayon pa kay Vergeire.

Paalala ni Vergeire sa publiko na suriing mabuti ang mga lugar na kinaroroonan at ang banta ng panganib na mahawa ng COVID-19 bago magtanggal ng face mask. Jocelyn Tabangcura-Domenden