Bagong COVID cases sa Pinas sumampa sa 14,640 mula Hulyo 11-17

Bagong COVID cases sa Pinas sumampa sa 14,640 mula Hulyo 11-17

July 18, 2022 @ 5:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 14,640 bagong impeksyon sa COVID-19 mula Hulyo 11 hanggang Hulyo 17, 2022.

Ito ay nasa 44% na mas mataas kaysa sa mga naiulat na kaso noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Health (DOH) noong Lunes.

Batay sa lingguhang case bulletin ng ng DOH, ang daily case average para sa linggo ay tumalon sa 2,091 mula sa 1,467 na naitala mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 10. Ang mga kaso ng COVID-19 sa nasabing panahon ay 10,271.

Isa pang verified COVID-19-related death na naganap noong Oktubre 2021 ang naitala ng DOH.

Lumabas din sa datos na 589 na malubha at kritikal na kaso ang kasalukuyang na-admit sa mga ospital dahil sa viral disease noong Hulyo 17, Linggo.

Sa 2,630 intensive care unit (ICU) beds, 481 o 18.3% ang okupado. Samantala, 5,189 o 23.8% ng 21,809 non-ICU COVID-19 bed ang nagamit.

Sa mga bagong kaso na naitala sa kamakailang sakop na panahon, mayroong 35 indibidwal na na-tag bilang isang bagong malubha o kritikal na kaso. Ito ay 0.24% ng mga bagong kaso na iniulat para sa linggo.

Iniulat ng OCTA Research fellow na si Dr. Guido David noong Lunes na ang Aklan, Tarlac, Pampanga, Laguna, at Nueva Ecija ay pawang nagtala ng “napakataas” na COVID-19 positivity rate na higit sa 20%.

Nananatili naman sa 12.6% ang positivity rate ng National Capital Region (NCR).

Sinabi ni David na wala pa silang nakikitang nakakaalarma hangga’t ang paggamit ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa ay hindi lalampas sa higit sa 50%.

Samantala,nasa kabuuang 71,322,848 individual o 91.32% ng populasyon na target ng gobyerno ang ganap nang nabakunahan laban sa COVID-19 ayon pa rin sa DOH

Sa bilang na ito, 267,096 ang nabakunahan mula July 11 hanggang July 17.

Hindi naman bababa sa 6.7 milyong senior citizen o 77.81% ng target na populasyon ng A2 ang nakatanggap din ng kanilang pangunahing serye ng bakuna.

Nabatid din na 15,592,533 indibidwal ang nakatanggap ng kanilang booster shots. Kung saan, 249,881 ang naturokan sa parehong panahon.

Sinabi ng DOH nitong Martes na hindi pa nakikita ang pangangailangang iutos ang pagbibigay ng COVID-19 booster shots, tulad ng pangunahing serye ng bakuna, sa pangkalahatang publiko sa kabila ng mababang paggamit nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden