Bagong fare matrix pwede na kunin ng PUV operators – LTFRB

Bagong fare matrix pwede na kunin ng PUV operators – LTFRB

September 23, 2022 @ 8:38 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Huwebes, Setyembre 22 na maaari nang mag-request ang mga public utility vehicle operators ng updated fare matrix bilang paghahanda sa nalalapit na fare hike.

Sa isang Facebook post, sinabi ng LTFRB na kailangan nakapaskil ang fare matrix sa loob ng sasakyan bilang bahagi ng kanilang fare increase order.

Para sa mga operator na kukuha ng fare matrix, kailangang magdala ng pinakabagong OR/CR ng sasakyan mula sa Land Transportation Office, franchise verification, kopya ng provisional authority o certificate of public convenience at office receipt of payment.

“Bukas ang tanggapan ng LTFRB upang tumanggap ng mga request ng Fare Matrix/Guide mula Lunes hanggang Sabado,” ayon sa pahayag.

Maaaring dumiretso ang PUV operators sa window 13 o 14 para sa payment assesment, magbayad sa cashier at dumiretso sa window 12 para magpasa ng documentary requirements.

Mayroon naman dalawang araw na dapat hintayin bago matanggap o makuha ang fare matrix.

Matatandaan na simula Oktubre 3 ay magkakaroon ng taas singil sa pamasahe ang mga pampublikong sasakyan.

Nagpaalala naman ang LTFRB na bawal pang magtaas ng singil sa pamasahe hangga’t hindi pa dumarating ang takdang araw na inilaan nila para rito. RNT/JGC