Bagong guidelines sa passenger capacity sa Kapasukuhan, inilabas ng LTFRB

Bagong guidelines sa passenger capacity sa Kapasukuhan, inilabas ng LTFRB

December 9, 2021 @ 11:00 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong guidelines sa passenger capacity para sa public utility vehicles (PUV) na magsisimula Huwebes, Disyembre 9, 2021 hanggang Enero 4, 2022.

Sa pahayag ng LTFRB, base sa inilabas nilang Memorandum Circular no. 2021-076 nitong Lunes, papayagan pa rin ang 70% passenger capacity sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, and Rizal at iba pang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.

Kapag naman ang isang rehiyon ay may 30% vaccination rate na, ang 50% passenger capacity sa PUVs ay pwede nang iakyat sa 70%, anang LTFRB.

Sa mga rehiyon naman na pinapayagan ang 70% passenger capacity, pero wala pang 30% vaccination rate, ang kanilang Regional Franchising and Regulatory Board ay dapat magsumite ng memorandum sa board na may sertipikasyon ng vaccination rate mula sa Regional IATF o Department of Health Regional Office.

Ang mga PUV naman na papasok ng Metro Manila ay dapat na pagbasehan ang kanilang kapasidad mula sa kanilang lugar na pinanggalingan.

Habang ang mga PUV na pupunta naman sa ibang rehiyon ay dapat isunod ang passenger capacity sa pupuntahang lugar.

Para naman sa inter-regional routes na hindi dadaan sa Metro Manila, dapat sundin ng PUVs ang pinakamababang passenger capacity sa nasabing rehiyon.

Ipinaalala rin ng LTFRB ang pagsunod sa minimum health safety protocols para sa PUVs tulad ng pagsusuot ng face mask, pagbabawal na makipag-usap sa telepono, maging ang pagbabawal sa pagkain, magandang bentilasyon, regular na disinfection, at physical distancing sa mga pasahero.

Ang mga mapatutunayang lumabag sa protocol ay pananagutin o pagmumultahin, babala pa ng LTFRB. RNT